Bakit ganitong patuloy ang pagtukoy sa tatlong mga yugto ng gawain? Ang paglipas ng mga kapanahunan, panlipunang paglago, at ang pagpapalit ng anyo ng kalikasan ay lahat sumusunod sa mga pagbabago sa tatlong mga yugto ng gawain. Ang sangkatauhan ay nag-iiba ayon sa panahon kasama ang gawain ng Diyos, at hindi ito sumusulong nang nag-iisa. Ang pagbanggit ng tatlong mga yugto ng gawain ng Diyos ay upang dalhin ang lahat ng mga nilalang, at mga tao sa bawa’t relihiyon, sa ilalim ng dominyon ng isang Diyos. Kahit anong relihiyon ka man nabibilang, sa huli kayong lahat ay magpapasakop sa ilalim ng dominyon ng Diyos. Tanging ang Diyos Mismo ang makapagsasakatuparan nitong gawain; hindi ito magagawa ng kahit sinong relihiyosong pinuno. Maraming mga pangunahing relihiyon sa mundo, at ang bawa’t isa ay may sariling pinuno, o lider, at ang mga tagasunod ay nakakalat sa iba’t-ibang mga bansa at rehiyon sa buong mundo; sa bawa’t bansa, maging malaki man o maliit, ay may iba’t-ibang mga relihiyon sa loob nito. Gayunman, kahit gaano karami ang mga relihiyon sa buong mundo, ang lahat ng tao sa loob ng sansinukob sa katapusan ay iiral sa ilalim ng paggabay ng isang Diyos, at ang kanilang pag-iral ay hindi ginagabayan ng mga relihiyosong pinuno o lider. Na ibig sabihin, ang sangkatauhan ay hindi ginagabayan ng isang natatanging relihiyosong pinuno o lider; bagkus ang buong sangkatauhan ay pinamumunuan ng Maylalang, na lumikha ng mga kalangitan at lupa, at lahat ng mga bagay, at lumikha rin sa sangkatauhan—at ito ay isang katunayan.
Kahit na ang mundo ay maraming mga nangungunang relihiyon, kahit gaano pa kalaki ang mga ito, silang lahat ay umiiral sa ilalim ng dominyon ng Maylalang, at wala sa kanila ang makalalampas sa saklaw ng dominyon na ito. Ang pag-unlad ng sangkatauhan, kaunlarang panlipunan, ang pag-unlad ng likas na agham—bawa’t isa ay hindi maihihiwalay mula sa mga pagsasaayos ng Maylalang, at ang gawaing ito ay hindi isang bagay na kayang gawin ng isang natatanging pinuno ng relihiyon. Ang mga relihiyosong pinuno ay mga pinuno ng isang natatanging relihiyon, at hindi maaaring kumatawan sa Diyos, o sa Isa na Siyang lumikha ng mga kalangitan at lupa at lahat ng mga bagay. Ang mga pinuno ng relihiyon ay makakapanguna sa lahat ng nasa loob ng buong relihiyon, nguni’t hindi makapag-uutos sa lahat ng mga nilalang sa ilalim ng mga kalangitan—ito ay isang pangsansinukob na tanggap na katotohanan. Ang mga relihiyosong pinuno ay pawang mga tagapanguna lamang, at hindi makapapantay sa Diyos (ang Maylalang). Ang lahat ng mga bagay ay nasa mga kamay ng Maylalang, at sa katapusan lahat ng mga ito ay babalik sa mga kamay ng Maylalang. Ang sangkatauhan ay orihinal na nilikha ng Diyos, at maging anupaman ang relihiyon, ang bawa’t tao ay babalik sa ilalim ng dominyon ng Diyos—ito ay hindi maiiwasan. Ang Diyos lamang ang Kataas-taasan sa gitna ng lahat ng mga bagay, at ang pinakamataas na pinuno sa gitna ng lahat ng mga nilalang ay dapat ding bumalik sa ilalim ng Kanyang dominyon. Kahit na gaano kataas ang katayuan ng tao, hindi niya madadala ang sangkatauhan sa angkop na hantungan, at walang kahit isang kayang uriin ang lahat ng bagay ayon sa uri. Si Jehova Mismo ang lumikha sa sangkatauhan at inuri ang bawa’t isa ayon sa uri, at kapag dumating ang katapusang panahon gagawin pa rin Niya Mismo ang Kanyang sariling gawain, inuuri ang lahat ng bagay ayon sa uri—at hindi ito magagawa ng kahit na sino kundi ng Diyos lamang. Ang tatlong mga yugto ng gawain na isinagawa simula sa umpisa hanggang ngayon ay isinakatuparang lahat ng Diyos Mismo, at isinakatuparan ng isang Diyos. Ang katunayan ng tatlong mga yugto ng gawain ay ang katunayan ng pangunguna ng Diyos sa buong sangkatauhan, isang katunayan na hindi maipagkakaila ng kahit sino. Sa katapusan ng tatlong mga yugto ng gawain, ang lahat ng bagay ay uuriin ayon sa uri at babalik sa ilalim ng dominyon ng Diyos, dahil sa lahat ng dako ng buong sansinukob ay nag-iisa lamang ang umiiral na Diyos, at walang ibang mga relihiyon. Siya na walang kakayanang lumikha ng mundo ay walang kakayanang tapusin ito, samantalang Siya na lumikha ng mundo ay tiyak na tatapusin ito, at sa gayon kung ang isa ay walang kakayanang tapusin ang kapanahunan at tutulungan lamang ang tao na payabungin ang kanyang isip, kung gayon tiyak na hindi siya magiging Diyos, at tiyak na hindi siya ang Panginoon ng sangkatauhan. Siya ay magiging walang kakayanang gawin ang ganoong dakilang gawain; mayroon lamang isa na kayang magsakatuparan ng ganoong gawain, at ang lahat ng walang kakayanang gawin itong gawain ay tiyak na sila ang mga kaaway bukod sa Diyos. Kung sila ay mga kulto, kung gayon sila ay hindi kaayon sa Diyos, at kung sila ay hindi kaayon sa Diyos, kung gayon sila ay ang mga kaaway ng Diyos. Ang lahat ng gawain ay ginagawa nitong isang tunay na Diyos, at ang buong sansinukob ay inuutusan nitong isang Diyos. Kahit na Siya man ay gumagawa sa Israel o sa Tsina, kahit na ang gawain man ay isinasakatuparan ng Espiritu o ng laman, ang lahat ay ginagawa ng Diyos Mismo, at hindi magagawa ng kahit na sino. Ito ay tiyak na dahil Siya ay ang Diyos ng buong sangkatauhan kaya Siya ay malayang gumagawa, hindi pinipigilan ng kahit anong kalagayan—at ito ang pinakadakila sa lahat ng mga pangitain. Bilang isang nilalang ng Diyos, kung nais mong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha ng Diyos at maintindihan ang kalooban ng Diyos, dapat mong maintindihan ang gawain ng Diyos, dapat maintindihan ang nais ng Diyos para sa mga nilalang, dapat maintindihan ang Kanyang plano ng pamamahala, at dapat maintindihan ang lahat ng kabuluhan ng gawain na Kanyang ginagawa. Yaong mga hindi naiintindihan ito ay hindi angkop para maging mga nilalang ng Diyos! Bilang isang nilalang ng Diyos, kung hindi mo naiintindihan kung saan ka nagmula, hindi naiintindihan ang kasaysayan ng sangkatauhan at ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at, bukod dito, hindi nauunawaan kung paano umunlad ang tao hanggang sa ngayon, at hindi naiintindihan kung sino ang nag-uutos sa buong sangkatauhan, kung gayon ikaw ay walang kakayanang gawin ang iyong tungkulin. Ang Diyos ay pumatnubay sa sangkatauhan hanggang sa ngayon, at simula nang nilikha Niya ang tao sa lupa hindi Niya siya iniwan. Ang Banal na Espiritu ay hindi humihinto sa paggawa, hindi kailanman huminto sa paggabay sa sangkatauhan, at hindi kailanman iniwan ang sangkatauhan. Nguni’t hindi natatanto ng sangkatauhan na mayroong Diyos, lalong hindi niya kilala ang Diyos, at mayroon pa bang mas nakakahiya bukod dito para sa lahat ng mga nilalang ng Diyos? Ang Diyos ang personal na gumagabay sa tao, nguni’t hindi naiintinidihan ng tao ang gawain ng Diyos. Ikaw ay isang nilalang ng Diyos, nguni’t hindi mo nauunawaan ang iyong sariling kasaysayan, at hindi namamalayan kung sino ang gumabay sa iyo sa iyong paglalakbay, ikaw ay malilimutin sa mga gawain na ginagawa ng Diyos, at sa gayon hindi mo makikilala ang Diyos. Kung hindi mo kilala ngayon, kung gayon hindi ka magiging karapat-dapat na magtaglay ng patotoo sa Diyos. Ngayon, ang Maylalang ay muling personal na nangunguna sa lahat ng tao, at nagsasanhi sa lahat ng mga tao na mamasdan ang Kanyang karunungan, pagka-makapangyarihan, pagliligtas, at pagiging-kamangha-mangha. Nguni’t hindi mo pa rin natatanto o nauunawaan—at sa gayon hindi ba ikaw ang isa na hindi makakatanggap ng kaligtasan? Silang nabibilang kay Satanas ay hindi nakakaintindi ng mga salita ng Diyos, at silang nabibilang sa Diyos ay naririnig ang tinig ng Diyos. Lahat silang nakakatanto at nakakaunawa ng mga salita na Aking binibigkas ay silang mga maliligtas, at magdadala ng patotoo sa Diyos; lahat silang hindi nakakaunawa ng mga salitang Aking binibigkas ay hindi makapagdadala ng patotoo sa Diyos, at sila ang siyang mga aalisin. Silang mga hindi nakakaunawa sa kalooban ng Diyos at hindi natatanto ang gawain ng Diyos ay walang kakayanang makamtan ang pagkakilala sa Diyos, at ang mga taong ganoon ay hindi magdadala ng patotoo sa Diyos. Kung nais mong magdala ng patotoo sa Diyos, kung gayon dapat mong makilala ang Diyos, at ang pagkakilala sa Diyos ay natutupad sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Sa kabuuan, kung nais mong makilala ang Diyos, kung gayon dapat mong malaman ang gawain ng Diyos: Ang pag-alam sa gawain ng Diyos ay ang sukdulang pinakamahalaga. Kapag ang tatlong mga yugto ng gawain ay dumating sa katapusan, magkakaroon ng isang pangkat niyaong mga nagdadala ng patotoo sa Diyos, isang pangkat niyaong mga nakakakilala sa Diyos. Ang mga taong ito ay makikilala ang Diyos at makakayang isagawa ang katotohanan. Magtataglay sila ng pagkatao at katinuan, at malalaman lahat ang tatlong mga yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang gawain na matutupad sa katapusan, at ang mga taong ito ay ang pagbubuu-buo ng gawain ng 6,000 taon ng pamamahala, at ang pinakamakapangyarihang patotoo sa sukdulang pagkatalo ni Satanas. Yaong makapagdadala ng patotoo sa Diyos ay makakatanggap ng pangako at pagpapala ng Diyos, at magiging ang pangkat na maiiwan sa katapus-katapusan, na nagtataglay ng awtoridad ng Diyos at nagdadala ng patotoo sa Diyos. Marahil silang lahat na mga kasama ninyo ay maaaring maging kasapi ng pangkat na ito, o marahil kalahati lamang, o kaunti lamang—depende sa inyong kalooban at inyong paghahabol.
Mula sa “Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao”
_________________________________