|
Kidlat ng Silanganan,ebanghelyo
|
Kidlat ng Silanganan | Ang Ikadalawampung Pagbigkas
Hindi masukat at hindi maarok ang kayamanan ng Aking sambahayan, gayunma’y hindi kailanman lumapit sa Akin ang tao upang tamasahin ang mga iyon. Wala siyang kakayahang tamasahin ang mga iyon sa kanyang sarili, ni protektahan ang sarili niya gamit ang sarili niyang mga pagsisikap; sa halip, palagi niyang nailalagay sa iba ang kanyang pagtitiwala. Sa lahat ng mga yaong tinitingnan Ko, wala kahit isa ang kailanma’y kusa at direktang naghanap sa Akin. Lumalapit silang lahat sa harap Ko sa panghihikayat ng iba, sumusunod sa karamihan, at ayaw nilang bayaran ang halaga o gumugol ng oras para pagyamanin ang kanilang mga buhay. Samakatuwid, walang sinuman sa gitna ng tao ang namuhay kailanman sa katotohanan, at namumuhay ang lahat ng mga tao ng mga buhay na walang kahulugan. Dahil sa mga gawi at kaugalian ng tao na matagal nang umiiral, umalingasaw ang amoy ng lupa sa mga katawan ng lahat ng mga tao. Bilang resulta, naging manhid ang tao; walang pandama sa kalagiman ng mundo, sa halip ay nagpapakaabala siya sa gawain ng pagtatamasa sa sarili sa malamig na mundong ito. Walang kahit kaunting init ang buhay ng tao, at walang kahit anong pantaong lasa o liwanag—gayunma’y sinanay niya ang kanyang sarili dito, nanatili siya sa habambuhay na kawalan ng halaga kung saan nagmamadali siyang gumagawa nang walang anumang napapala. Sa isang kisapmata, lumalapit ang araw ng kamatayan, at namamatay ang tao ng isang mapait na kamatayan. Kailanman, wala siyang natupad na anuman, o napalang anuman sa mundong ito—nagmamadali lamang siyang dumarating, at nagmamadaling umaalis. Sa Aking paningin wala sa mga yaon ang nakapagdala kailanman ng anuman, o nakakuha ng anuman, kung kaya nararamdaman ng tao na hindi patas ang mundo. Gayunman walang may gustong magmadali. Hinihintay lamang nila ang araw kung kailan ang Aking pangako mula sa langit ay biglang darating sa gitna ng tao, magpapahintulot sa kanila, sa panahon kung kailan sila ay naligaw, na minsan pa ay makita ang daan ng walang-hanggang buhay. Kaya, nakatutok ang tao sa bawa’t gawa at kilos Ko upang tingnan kung talagang natupad Ko ang pangako Ko sa kanya. Kapag siya ay nasa kalagitnaan ng kadalamhatian, o sa matinding sakit, o pinalilibutan ng mga pagsubok at malapit nang mahulog, isinusumpa ng tao ang araw ng kanyang kapanganakan upang mas mabilis niyang matakasan ang mga problema niya at makalipat sa mas magandang lugar. Nguni’t kapag lumipas na ang mga pagsubok, napupuno ng kagalakan ang tao. Ipinagdiriwang niya ang araw ng kapanganakan niya sa mundo at hinihiling na pagpalain Ko ang araw ng kanyang kapanganakan; sa panahong ito, hindi na binabanggit ng tao ang mga pangako ng nakaraan, malalim ang takot niya na sa ikalawang pagkakataon darating muli sa kanya ang kamatayan. Kapag itinataas ng mga kamay Ko ang mundo, sumasayaw sa kagalakan ang mga tao, hindi na sila nalulungkot, at umaasa silang lahat sa Akin. Kapag tinatakpan Ko ng Aking mga kamay ang Aking mukha, at itinutulak ang mga tao sa ilalim ng lupa, agad silang nahihirapan sa paghinga, at bahagya na silang makapanatiling buhay. Lahat sila ay sumisigaw sa Akin, takot na lilipulin Ko sila, sapagka’t gusto nilang lahat na makita ang araw kung kailan Ako ay maluluwalhati. Itinuturing ng tao ang araw Ko bilang pangunahin ng kanyang pag-iral, at ito ay dahil lamang sa mahigpit na pagnanais ng mga tao para sa araw kung kailan ang Aking kaluwalhatian ay darating kaya nakapanatiling buhay ang sangkatauhan hanggang ngayon. Ang pagpapalang ipinahayag ng Aking bibig ay na yaong mga ipinanganganak sa panahon ng mga huling araw ay napakapalad na makita ang buo Kong kaluwalhatian.
Sa kabuuan ng mga kapanahunan, marami ang lumisan sa mundong ito sa kabiguan, at may pag-aatubili, at marami ang nakarating dito na may pag-asa at pananampalataya. Isinaayos Ko para marami ang dumating, at marami ang naitaboy Ko. Hindi mabilang ang mga tao na dumaan sa Aking mga kamay. Maraming espiritu ang itinapon sa Hades, marami ang namuhay sa laman, at marami ang namatay at muling ipinanganak sa mundo. Gayunma’y walang sinuman sa kanila ang kailanma’y nagkaroon ng pagkakataong tamasahin ang mga pagpapala ng kaharian ngayon. Napakarami ang ibinigay Ko sa tao, gayunma’y kakarampot ang kanyang natamo, sapagka’t ang pagsalakay ng mga pwersa ni Satanas ay iniwan siya na walang kakayahang tamasahin ang lahat ng mga kayamanan Ko. Nagkaroon lamang siya ng magandang kapalaran na matitingnan, nguni’t hindi niya kailanman ganap na natamasa. Hindi kailanman natuklasan ng tao ang kabang-yaman sa kanyang katawan na tatanggap sa mga kayamanan ng langit, kaya naiwala niya ang mga pagpapalang naipagkaloob Ko sa kanya. Hindi ba ang espiritu ng tao ang pinaka bahagi na nag-uugnay sa kanya sa Aking Espiritu? Bakit hindi kailanman nakipag-ugnayan ang tao sa Akin sa pamamagitan ng kanyang espiritu? Bakit nakalalapit siya sa Akin sa laman, nguni’t hindi niya kayang gawin ito sa espiritu? Sa katawang-tao ba ang tunay Kong mukha? Bakit hindi alam ng tao ang Aking nilalaman? Tunay bang hindi Ako kailanman nagkaroon ng anumang bakas sa espiritu ng tao? Ganap ba Akong naglaho mula sa espiritu ng tao? Kung hindi papasok ang tao sa espirituwal na kinasasaklawan, paano niya matatarok ang mga hangarin Ko? Mayroon ba sa mga mata ng tao ang direktang makatatagos sa espirituwal na kinasasaklawan? Marami ang mga panahon na Ako ay tumawag sa tao sa pamamagitan ng Aking Espiritu, gayunma’y kumikilos ang tao na parang nasaksak Ko siya, tumitingin sa Akin mula sa malayo, sa malaking takot na pangungunahan Ko siya tungo sa ibang mundo. Marami ang mga panahon na nagtanong Ako sa espiritu ng tao, gayunma’y nananatili siyang lubos na malilimutin, napakalaki ang takot na papasok Ako sa kanyang tahanan at sasamantalahin ang pagkakataon upang hubaran siya ng lahat ng mga ari-arian niya. Kaya pinagsasarhan niya Ako sa labas, iniiwan Ako na nakaharap sa walang-iba kundi isang malamig, mahigpit-ang-pagkakasarang “pinto.” Marami ang mga panahon na bumagsak ang tao at nailigtas Ko siya, nguni’t pagkagising agad niya Akong iniiwan at, hindi-nahipo ng Aking pagmamahal, saglit Akong sinusulyapan; hindi Ko kailanman napainit ang puso ng tao. Walang-pandama ang tao, isa siyang malupit na hayop. Kahit na napapainit siya ng Aking yakap, hindi siya kailanman naantig nito. Ang tao ay parang isang taong-bundok. Hindi niya kailanman pinahalagahan ang lahat ng pagmamahal Ko sa sangkatauhan. Ayaw niya Akong lapitan, mas gusto niyang manahan sa mga kabundukan, kung saan tinitiis niya ang banta ng mga mababangis na hayop—nguni’t ayaw pa rin niyang magkubli sa Akin. Hindi ko pinipilit ang sinumang tao: Ginagawa Ko lamang ang Aking gawain. Darating ang araw na mula sa kalagitnaan ng makapangyarihang karagatan, lumalangoy ang tao sa Aking kinaroroonan upang maari niyang matamasa ang lahat ng yaman sa mundo at iwan sa likuran ang panganib ng pagkalunod sa karagatan.
Kasunod ng kaganapan ng mga salita Ko, unti-unting nabubuo ang kaharian sa mundo at unti-unting babalik sa pagiging-karaniwan ang tao, at sa gayon naitatatag sa mundo ang kahariang nasa Aking puso. Sa kaharian, mababawi ng buong bayan ng Diyos ang buhay ng normal na tao. Wala na ang nagyeyelong taglamig, napalitan na ng isang mundo ng mga lungsod sa tagsibol, kung saan tagsibol sa buong taon. Hindi na nahaharap ang mga tao sa madilim, mahirap na mundo ng tao, hindi na nila tinitiis ang maginaw na mundo ng tao. Hindi na nakikipag-away ang mga tao sa isa’t isa, hindi na makikipagdigma ang mga bansa sa isa’t isa, wala na ang patayan at ang dugong dumadaloy mula sa patayan; mapupuno ang lahat ng mga lupain ng kaligayahan, at punung-puno ng init sa pagitan ng mga tao ang lahat ng dako. Kumikilos Ako sa buong mundo, nasisiyahan Ako mula sa kaitaasan ng Aking trono, naninirahan Ako sa kalagitnaan ng mga bituin. At naghahandog sa Akin ang mga anghel ng mga bagong awitin at mga bagong sayaw. Hindi na sinasanhi ng kanilang kahinaan na umagos ang mga luha sa kanilang mga mukha. Hindi Ko na naririnig, sa Aking harapan, ang tinig ng pag-iyak ng mga anghel, at wala na ring nagrereklamo sa Akin ng kahirapan. Ngayon, lahat kayo ay nabubuhay sa harapan Ko; bukas, mamamalagi kayong lahat sa Aking kaharian. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagpapala na ipinagkakaloob Ko sa tao? Dahil sa halagang binabayaran ninyo ngayon, mamanahin ninyo ang mga biyaya ng hinaharap at maninirahan sa gitna ng Aking kaluwalhatian. Ayaw ninyo pa rin bang makipag-ugnayan sa nilalaman ng Aking Espiritu? Nais ninyo pa rin bang paslangin ang inyong mga sarili? Nais ng mga tao na habulin ang mga pangakong nakikita niya, kahit na panandalian lamang ang mga iyon, nguni’t walang gustong tumanggap sa mga pangako ng hinaharap, kahit na ang mga ito ay para sa walang-hanggan. Ang mga bagay na nakikita ng tao ay ang mga bagay na lilipulin Ko, at ang mga bagay na hindi nakikita ng tao ang mga bagay na tutuparin Ko. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng tao.
Naitala ng tao ang araw Ko, nguni’t walang nakaalam kahit kailan sa eksaktong petsa, kaya maaaring mabuhay lamang ang tao sa kalagitnaan ng pagkatuliro. Dahil ang mga mahigpit-na-pagnanais ng tao ay umaalingawngaw patawid sa walang-hangganang kalangitan, at pagkatapos ay naglalaho, paulit-ulit na nawalan ng pag-asa ang tao, anupa’t siya ay nakabulusok sa kasalukuyan niyang mga kalagayan. Ang layunin ng mga pagbigkas Ko ay hindi upang habulin ng tao ang mga petsa, ni upang itulak siya sa kanyang sariling pagkawasak bilang resulta ng kawalan niya ng pag-asa. Nais Kong tanggapin ng tao ang Aking pangako, at nais Kong ang lahat ng mga tao sa buong mundo ay magkaroon ng bahagi sa Aking pangako. Ang gusto Ko ay mga nilalang-na-may-buhay na puno ng buhay, hindi mga bangkay na nakalublob sa kamatayan. Dahil nakasandal Ako sa mesa ng kaharian, uutusan Ko ang lahat ng mga tao sa lupa na tanggapin ang Aking pagsisiyasat. Hindi Ko pinapayagan ang anumang maruming bagay sa Aking harapan. Hindi Ko hinahayaan ang anumang panghihimasok ng tao sa Aking gawain; ang lahat ng mga nanghihimasok sa Aking gawain ay itinatapon sa mga piitan, at pagkatapos na sila’y mapakawalan dinadagsa pa rin sila ng sakuna, tinatanggap ang nakapapasong apoy ng lupa. Noong Ako ay nasa Aking nagkatawang-taong laman, kinasusuklaman Ko ang sinumang nakikipagtalo sa gawain Ko sa pamamagitan ng Aking laman. Marami ang mga panahon na napaalalahanan Ko ang lahat ng mga tao na wala Akong kamag-anak sa lupa, at sinumang nagtuturing sa Akin bilang isang kapantay, at hinahatak Ako sa kanila para magunita namin ang tungkol sa mga panahong nakaraan na kasama Ako, ay sasailalim sa pagkawasak. Ito ang Aking utos. Sa ganoong mga pangyayari hindi Ako kahit katiting man na magiging maluwag sa tao. Ang lahat ng mga yaong nanghihimasok sa Aking gawain at nag-aalok ng payo sa Akin ay kinakastigo Ko, at hindi Ko mapapatawad kailanman. Kung hindi Ako nagsasalita nang malinaw, hindi kailanman matatauhan ang mga tao, at hindi-nalalamang mahuhulog sa Aking pagkastigo—dahil hindi Ako kilala ng tao sa Aking laman.
Marso 20, 1992
Mula sa Mga Pagbigkas ni Cristo ng mga Huling Araw (Mga Seleksyon)