Kidlat ng Silanganan|Tungkol sa Biblia (3)
Hindi lahat ng nasa Biblia ay isang talaan ng mga salitang personal na binigkas ng Diyos. Dinodokumento lang ng Biblia ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga hula ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa buong panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nabahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Nasa marami sa mga aklat ng Biblia ang mga pagkaintindi ng tao, mga pagkiling ng tao, at walang katotohanang mga interpretasyon ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng paliwanag at paglilinaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga interpretasyong iyon—pero hindi pa rin masasabi na sila ay tumpak na tumpak na mga pagpapahayag ng katotohanan.
Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang nagmula sa personal na karanasan, o ang paliwanag ng Banal na Espiritu. Ang mga hula ng mga propeta ay personal na iniutos ng Diyos: Ang mga propesiya nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa direktang utos ng Banal na Espiritu, ang mga taong ito ay mga tagakita, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan ang mga taong ito, na nakatanggap ng inspirasyon ni Jehova, ay maraming ipinropesiya, na direktang iniutos ni Jehova. At bakit kumilos si Jehova sa kanila? Sapagkat ang mga tao ng Israel ay ang piling tao ng Diyos: Kinailangang gawin ang gawain ng mga propeta sa kanila, at naging karapat-dapat silang makatanggap ng gayong mga paghahayag. Sa katunayan, hindi nila mismo naunawaan ang mga paghahayag ng Diyos sa kanila. Binigkas ng Banal na Espiritu ang mga salitang iyon sa pamamagitan ng kanilang bibig upang maunawaan ng mga tao sa hinaharap ang mga bagay na iyon, at makita na ang mga iyon ay talagang gawa ng Espiritu ng Diyos, ng Banal na Espiritu, at hindi nagmula sa tao, at mabigyan sila ng patibay ng gawain ng Banal na Espiritu. Noong Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus mismo ang gumawa ng lahat ng gawaing ito sa halip na sila, kaya nga hindi na nagpropesiya ang mga tao. Kaya propeta ba si Jesus? Si Jesus, siyempre pa, ay isang propeta, pero nagawa rin Niya ang gawain ng mga apostol: Kaya Niyang magpropesiya at mangaral at magturo sa mga tao sa buong kalupaan. Subalit ang gawaing ginawa Niya at ang pagkakakilanlan na Kanyang kinakatawan ay hindi magkapareho. Pumarito Siya upang tubusin ang buong sangkatauhan, tubusin ang tao mula sa kasalanan; Siya ay isang propeta, at isang apostol, pero higit pa roon, Siya si Cristo. Ang isang propeta ay maaaring magpropesiya, ngunit hindi masasabi na siya si Cristo. Sa panahong iyon, maraming ipinropesiya si Jesus, kaya masasabi na isa Siyang propeta, pero hindi masasabi na isa Siyang propeta kaya hindi Siya si Cristo. Iyon ay dahil kinatawan Niya ang Diyos mismo sa pagsasakatuparan ng isang yugto ng gawain, at iba ang pagkakakilanlan sa Kanya kaysa kay Isaias: Pumarito Siya upang tapusin ang gawain ng pagtubos, at Siya rin ang nagbigay ng buhay sa tao, at tuwirang sumakanya ang Espiritu ng Diyos. Sa gawaing ginawa Niya, walang mga inspirasyong nagmula sa Espiritu ng Diyos o mga tagubilin mula kay Jehova. Sa halip, dumating ang Espiritu upang direktang gumawa—na sapat upang patunayan na si Jesus ay hindi kapareho ng isang propeta. Ang gawaing ginawa Niya ay ang gawain ng pagtubos, na sinundan ng pagpopropesiya. Siya ay isang propeta, isang apostol, at higit pa riyan, Siya ang Manunubos. Samantala, ang mga manghuhula ay maaari lamang magpropesiya, at walang kakayahang kumatawan sa Espiritu ng Diyos sa paggawa ng anumang iba pang gawain. Dahil maraming ginawa si Jesus na hindi pa nagawa ng tao kailanman, at ginawa ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan, naiiba Siya sa mga katulad ni Isaias. Ayaw tanggapin ng ilang tao ang patuloy na daloy ng gawain ngayon dahil naging balakid ito sa kanila. Sabi nila: “Sa Lumang Tipan maraming propeta ring sumambit ng maraming mga salita—kaya bakit hindi sila ang Diyos na naging tao? Ang Diyos ng kasalukuyan ay bumibigkas ng mga salita—sapat na ba ’yan para patunayan na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Hindi mo itinataas ang Biblia, ni pinag-aaralan ito— kaya ano ang batayan mo para sabihin na Siya ang pagkakatawang-tao ng Diyos? Sabi mo utos ito ng Banal na Espiritu, at naniniwala ka na ang yugtong ito ng gawain ay gawaing personal na isinasagawa ng Diyos—pero ano ang batayan mo para dito?” Itinutuon mo ang iyong pansin sa mga salita ng Diyos ngayon, parang ikinaila mo na ang Biblia, at isinantabi ito, kaya sinasabi nila na naniniwala ka sa maling pananampalataya, na bahagi ka ng isang masamang kulto.
Kung nais mong sumaksi sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, kailangan mong maunawaan ang tunay na pangyayari sa Biblia, ang istruktura ng Biblia, at ang diwa ng Biblia. Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Biblia ay Diyos, at na ang Diyos ay Biblia. Kaya naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Biblia ay mga salita lamang na binigkas ng Diyos, at na lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat sa animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga binigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang maling paliwanag ng mga tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa paliwanag ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng tao, resultang lahat ito ng paliwanag ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa iglesia, mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang binigkas ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Philadelphia, Galacia, at iba pang mga iglesia. Sa gayon, ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga isinulat ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito direktang binigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagawa ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng marami sa gawain ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ito para sa lahat ng kapatid sa Panginoon, at ginawa upang sundin ng mga kapatid sa lahat ng iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at maging tapat sila sa lahat ng pamamaraan ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo na, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na nagmula sa kanya, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at pinangaralan o pinaalalahanan lang niya ang mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginawa Niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at sa gayo’y siya ang ginawang responsable sa mga iglesia, inutusan siyang isakatuparan ang gawain ng mga iglesia, kinailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga sulat para sa lahat ng kapatid na sa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakasigla at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga binigkas ng Banal na Espiritu, at hindi niya maaaring katawanin ang Diyos. Kapansin-pansing pag-unawa, at malaking kalapastangan sa Diyos, ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang binigkas ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo ’yan lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga isinulat ay para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga sulat para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay isa lang siyang nagtatrabahong apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Kaya para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Sa gayon, hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ang mga salita ng Banal na Espiritu, ito ang mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay kapareho ng kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya makakapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga binigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang walang delikadesa. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi kalapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paano yuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang binigkas na para bang ang mga ito ay isang “banal na aklat,” o isang “aklat ng langit”? Maaari bang bigkasin ng tao na parang balewala ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang mabahiran ng sarili niyang mga ideya ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paano hindi mababahiran ang mga ito ng mga ideya ng tao? Isinulat niya ang mga sulat para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sa lawak ng kanyang sariling buhay. Halimbawa, may sulat si Pablo sa mga iglesia sa Galacia na may tiyak na opinyon, at sumulat si Pedro ng isa pa, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Sa gayon, masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang katayuan, kinakatawan nila ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nila ang gawain ng tao; hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, nakakatawa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katumbas ng mga talambuhay ng mas bagong espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng bagong espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang tiyak na panahon, at hindi nila maaaring direktang katawanin ang Diyos.
Ang Evangelio ni Mateo sa Bagong Tipan ay itinatala ang talaangkanan ni Jesus. Sa simula, sinabi rito na si Jesus ay inapo ni Abraham, anak ni David, at anak ni Jose; pagkatapos ay sinabi rito na ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at ipinanganak ng isang birhen—na ibig sabihin ay hindi Siya anak ni Jose o inapo ni Abraham, na hindi Siya anak ni David. Gayunman, pinipilit ng talaangkanan na iugnay si Jesus kay Jose. Pagkatapos, sinimulang itala ng talaangkanan ang proseso kung paano isinilang si Jesus. Sabi rito, si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na Siya ay ipinanganak ng isang birhen, at hindi Siya anak ni Jose. Pero sa talaangkanan malinaw na nakasulat na si Jesus ay anak ni Jose, at dahil isinulat ang talaangkanan para kay Jesus, apatnapu’t dalawang henerasyon ang nakatala rito. Pagdating sa henerasyon ni Jose, mabilis nitong sinabi na si Jose ang asawa ni Maria, mga salita na nilayong patunayan na si Jesus ay inapo ni Abraham. Hindi ba pagsalungat ito? Ang talaangkanan ay malinaw na idinukumento ang kanunu-nunuan ni Jose, malinaw na ito ang talaangkanan ni Jose, pero iginigiit ni Mateo na ito ang talaangkanan ni Jesus. Hindi ba nito ikinakaila na totoong ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Samakatwid, ang talaangkanan bang sinabi ni Mateo ay hindi ideya ng tao? Nakakatawa! Sa ganitong paraan, alam mo na hindi lahat ng nasa aklat na ito ay nagmula sa Banal na Espiritu. Marahil, may ilang taong nag-aakala na may talaangkanan ang Diyos sa lupa, dahil itinalaga nila si Jesus bilang ika-apatnapu’t dalawang henerasyon ni Abraham. Talagang nakakatawa’yan! Matapos dumating sa lupa, paano nagkaroon ng talaangkanan ang Diyos? Kung sinasabi mong may talaangkanan ang Diyos, hindi ba n’yo Siya inihahanay sa mga nilalang ng Diyos? Sapagka’t ang Diyos ay hindi nagmula sa lupa, Siya ang Panginoon ng paglikha, at bagama’t Siya ay may katawang-tao, ang Kanyang diwa ay hindi katulad ng diwa ng tao. Paano n?’yo ihahanay ang uri ng Diyos na kapareho ng uri ng nilalang ng Diyos? Si Abraham ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos; siya ang pakay ng gawain ni Jehova nang panahong iyon, isa lamang siyang tapat na lingkod na inaprubahan ni Jehova, at isa siya sa mga tao ng Israel. Paano siya magiging ninuno ni Jesus?
Sino ang sumulat ng talaangkanan ni Jesus? Si Jesus ba Mismo ang sumulat niyon? Personal bang sinabi ni Jesus sa kanila na, “Isulat ang Aking talaangkanan”? Itinala iyan ni Mateo matapos maipako si Jesus sa krus. Sa panahong iyon, maraming nagawa si Jesus na hindi maunawaan ng Kanyang mga disipolo, at hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Nang makaalis na Siya, sinimulang mangaral at magtrabaho ng mga disipulo sa lahat ng dako, at para sa kapakanan ng yugtong iyon ng gawain, sinimulan nilang isulat ang mga sulat at mga aklat ng ebanghelyo. Ang mga aklat ng ebanghelyo sa Bagong Tipan ay naitala dalawampu hanggang tatlumpung taon matapos ipako sa krus si Jesus. Dati-rati, Lumang Tipan lang ang binabasa ng mga tao ng Israel. Ibig sabihin, sa Kapanahunan ng Biyaya binasa ng mga tao ang Lumang Tipan. Lumitaw lamang ang Bagong Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya. Walang Bagong Tipan nang isagawa ni Jesus ang Kanyang gawain; itinala ito ng mga tao matapos Siyang mabuhay na mag-uli at umakyat sa langit. Noon lamang nagkaroon ng Apat na Ebanghelyo, bilang karagdagan sa mga sulat nina Pablo at Pedro, gayundin ang Aklat ng Pahayag. Makalipas ang tatlong daang taon matapos umakyat si Jesus sa langit, nang tipunin ng sumunod na mga henerasyon ang kanilang mga talaan, at saka lamang nagkaroon ng Bagong Tipan. Nagkaroon lang ng Bagong Tipan nang makumpleto ang gawaing ito; wala ito dati. Natapos ng Diyos ang lahat ng gawaing iyon, nagawa ni apostol Pablo ang lahat ng gawaing iyon, at pagkatapos ay pinagsama ang mga sulat nina Pablo at Pedro, at ang pinakadakilang pangitaing itinala ni Juan sa isla ng Patmos ang inihuli, sapagkat ipinropesiya nito ang gawain sa mga huling araw. Lahat ng ito ay isinaayos ng susunod na mga henerasyon, at iba ito kaysa mga binigkas sa ngayon. Anumang itinala ngayon ay ayon sa mga hakbang ng gawain ng Diyos; ang pinagkakaabalahan ng mga tao ngayon ay ang gawaing personal na ginagawa ng Diyos, at ang mga salitang personal Niyang binigkas. Hindi mo kailangang makialam—ang mga salita, na direktang nagmula sa Espiritu, ay isinaayos nang paisa-isang hakbang, at naiiba sa pag-aayos ng mga talaan ng tao. Masasabi na ang kanilang itinala ay ayon sa antas ng kanilang pinag-aralan at kakayahan. Ang kanilang itinala ay mga karanasan ng mga tao, at bawat isa ay may sariling paraan ng pagtatala at pagkaalam, at bawat talaan ay naiiba. Kaya, kung sinasamba n’yo ang Biblia bilang Diyos napakamangmang at napakatanga n’yo! Bakit hindi n’yo hanapin ang gawain ng Diyos sa ngayon? Ang gawain ng Diyos lamang ang makapagliligtas sa tao. Hindi maililigtas ng Biblia ang tao, hindi man lang ito nagbago nang ilang libong taon, at kung sasambahin n’yo ang Biblia hinding-hindi n’yo makakamtan ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa Israel ay parehong nakatala sa Biblia, kaya nga nakikita n’yo sa mga talaang ito na lahat ng pangalan ay sa mga taga-Israel, at lahat ng pangyayari ay sa mga taga-Israel; kahitang pangalang “Jesus” ay pangalang Israelita. Kung patuloy n’yong binabasa ang Biblia ngayon, hindi ba kayo sumusunod sa kaugalian? Ang nakatala sa Bagong Tipan ng Biblia ay may kinalaman sa Judea. Ang orihinal na teksto ay parehong wikang Griyego at Hebreo, at ang mga salita ni Jesus at ang tawag sa Kanya noon ay pawang kabilang sa wika ng tao. Nang ipako Siya sa krus, sinabi ni Jesus: “Eli, Eli, lama sabachthani?” Hindi ba ito Hebreo? Ito ay dahil lang sa nagkatawang-tao si Jesus sa Judea, pero ito hindi nito pinatutunayan na ang Diyos ay Judio. Ngayon, naging tao ang Diyos sa China, kaya nga lahat ng bagay na sinasabi Niya ay walang-dudang nasa wikang Tsino. Gayon pa man hindi ito maikukumpara sa wikang Tsino na isinalin mula sa Biblia, dahil iba ang pinagmulan ng mga salitang ito: Ang isa ay mula sa Hebreo na itinala ng mga tao, at ang isa ay mula sa direktang pagbikas ng Espiritu.