Isang payak na nayon na napag-iwanan na ng panahon, ang aking mga magulang na hapung-hapo mula sa kanilang trabaho, isang buhay na gipit sa pinansyal … ito ang malulungkot na ala-ala na nakatatak sa aking murang isipan, ito ang mga una kong pagkakilala sa salitang “kapalaran.” Pagkatapos kong magsimulang mag-aral, sa unang pagkakataong narinig ko ang aking guro na nagsabi ng “Hawak mo ang iyong kapalaran sa sarili mong mga kamay,” pinakatandaan ko ang mga salitang ito. Naniwala akong kahit na hindi ko mababago ang katotohanan na ako ay ipinanganak sa kahirapan, maaari ko pa ring baguhin ang sarili kong kapalaran sa pamamagitan ng pagsusumikap. Bilang resulta, ibinuhos ko ang lahat ng aking lakas upang makipagbuno sa aking “kapalaran,” at makamtan ang isang kapirasong langit na matatawag kong akin.
Isang Kabiguan sa Aking Pag-aaral
Tulad ng mga sali’t-saling lahi ng hindi mabilang na mga mag-aaral, ang aking pagpupunyaging makapag-aral at makarating sa kolehiyo ang unang hakbang sa pagbabago ng aking kapalaran. Upang maabot ito, nag-aral ako nang husto. Kapag nasa klase ako nakikinig nang husto, kapag nasa labas ng klase habang naglalaro ang ibang mga mag-aaral, nag-aaral pa rin ako, madalas ay subsob ako sa aking mga libro sa kalaliman ng gabi.
Dahil sa subsob ako sa pag-aaral, palaging nabibilang sa pinakamatataas ang aking mga marka. Sa bawat pagkakataon na hinahangaan ako ng aking mga guro at mga kamag-aral lumalakas ang aking paniniwala na “Kailangan akong umasa sa aking sariling dalawang kamay upang mag-ukit ng lugar sa mundo para sa aking sarili.” Ngunit ang mga kaparaanan ng mundo ay pabagu-bago. Habang nagsusumikap ako upang maabot ang mga magagandang layunin na ito, biglang nagkasakit ang aking ama. Matapos siyang suriin ay nalamang siya ay may Cirrhosis, at nasa kalagitnaang yugto na ito. Dahil dito ay nagkaroon ng mga pamamaga sa kanyang katawan, at hindi lamang sa hindi siya nakapagtatrabaho, napagastos rin siya nang malaki sa mga pagpunta sa manggagamot. Sa sandaling panahon ang lahat ng gawaing bahay, pati ang mga gawain sa bukid sa mahigit isang ektaryang lupain, ay napunta sa aking ina, at kasabay nito ay nagkaroon rin siya ng hinekolohiyal na karamdaman. Isang araw ay sinabi sa aking ng aking ama, na may mukhang puno ng pighati: “Anak, sa ngayon ang buong pamilya natin ay sa iyong ina lamang umaasa para sa suporta. Napakabigat ng kanyang dinadala. Napakalaki ng gastos ng pagpapaaral sa apat na bata sa isang taon. Wala talaga tayong ibang paraan upang lahat kayo ay mapag-aral namin. Ikaw ang pinakamatanda, kaya dapat ay isipin mo ang iyong mga kapatid. Bakit hindi ka tumigil para mabigyan ng pagkakataon ang iyong mga kapatid?” Pagkarinig ko sa mga salitang iyon ng aking ama, nakadama ako ng napakatinding kirot sa aking puso: Palagi akong nangangarap na makapag-aral nang mabuti at maging isang bantog na tao, ngunit kung susunod ako sa kahilingan ng aking ama na isuko ang aking pag-aaral, di ba’t ang lahat ng aking mga pagkakataon at pag-asa ay bigla na lamang lubusang maglalaho? Napuno ng luha ang aking mga mata, at nakaramdam ako ng matinding kalungkutan sa aking puso. Alam kong pinag-isipan na ito ng aking ama bago niya sabihin sa akin, at sa pagtingin ko sa aking may sakit na ina, hindi ko kayang ipaubaya sa kanya ang bigat ng pasanin. Kaharap ang pinahirap pang pinansyal na sitwasyon ng aming pamilya, wala akong pagpipilian kung hindi ang makipagkompromiso sa kasalukuyang sitwasyon at labanan ang mga luha kasabay ng pagsunod ko sa mga kahilingan ng aking ama.